MENU

ni: Jallyah Oligario
Mga pubmat ni: Gabriel Nacubuan

Humakot ng mga scholarship grant at offer mula sa iba’t ibang unibersidad abroad ang limang iskolar mula Batch Hiranglaya, kasunod ng katatapos na Virtual Graduation, Mayo 2021.

Kabilang sa limang isko na nabanggit ay sina Anshari Kirsten Dalan, Jelms Watts Daquel, Allesandra Noelle Mendoza, Jemielyn Ruth Lacap, at Krisandra Mae Serafica.

Nakatanggap si Anshari Kirsten Dalan ng Dean's Scholarship (Chemistry) mula Alfred University sa New York, USA; Merit Scholarship (Microbiology) mula Albany College Of Pharmacy And Health Sciences sa New York, USA; Presidential Scholarship (Public Health) mula American International College sa Massachusetts, USA; at mga offer mula Aquinas College sa Michigan, USA at University of East London sa England, United Kingdom para sa kursong Chemistry.

Nagtamo naman si Watts Delms Daquel ng Merit Scholarship mula Albany College of Pharmacy and Public Health (B.S. in Pharmaceutical Sciences) sa New York, USA at Florida Institute of Technology sa USA para sa kursong Chemistry - Research ; Iñigo scholarship mula Saint Louis University (Biomedical Engineering) sa Espanya; at international offer mula Duke Kunshan University sa Tsina para sa kursong Natural Sciences.

Ginawaran din si Allesandra Noelle Mendoza ng scholarships mula sa Duke Kunshan University sa Tsina para sa kursong Global Health; New York University, Shanghai Campus, mula rin sa Tsina sa kursong Natural Sciences; at Florida Institue of Technology sa Florida, USA sa kursong Biomedical Sciences.

University offers naman para sa mga programa at kursong BS Psychology mula Saint Leo University sa Florida, USA at Bachelor of Psychology (Honors Program) at Monash University Foundation Year (Standard Program) mula Monash University sa Melbourne, Australia ang nasungkit ni Jemielyn Ruth Lacap.

Nagkamit din ng Merit Scholarship mula Albany College of Pharmacy and Health Sciences para sa kursong BS Public Health si Krisandra Mae Serafica.

“Naging pagsubok sa pag-aapply ko ang pagsabayin ang applications at online classes; mahirap ding panatilihin ang kumpiyansa sa sarili dahil nga libo-libo ang kasabayan mong estudyante,” ayon kay Mendoza patungkol sa kanyang karanasan sa pagpasa ng mga aplikasyon. 

Dagdag pa niya, bagamat mahirap umanong mapanatag sa pag-aapply, mahalagang mapanatili ang pananalig at tiwala sa sarili sa kabuuan ng proseso.

Hinikayat naman ni Serafica ang aktibong pakikibahagi sa mga extracurricular activity na maaaring makatulong para sa mga nagbabalak ding sumubok.

Maaaring magsumite ng mga aplikasyon gamit ang Common App, isang website na bukas sa mga naghahangad mag-aral sa iba’t ibang unibersidad sa labas ng bansa.

Matatandaang nakatanggap din ng mga pang-akademikong parangal ang lima sa katatapos na birtwal na pagtatapos noong ika-25.